Pakinggan natin si Jesus (Mt. 5:17-19).
"Huwag ninyong akalaing naparito ako upang pawalang-bisa ang Kautusan at ang aral ng mga propeta. Naparito ako, hindi upang pawalang-bisa kundi para ipaliwanag at ganapin ang mga iyon. Tandaan ninyo ito: Magwawakas ang langit at ang lupa, ngunit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hanggat hindi nagaganap ang lahat. Kayat sinumang magpawalang-halaga kahit sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayon sa mga tao ay ibibilang na pinakamababa sa kaharian ng Diyos. Ngunit ang gumaganap ng Kautusan at nagtuturo na tuparin iyon ay ibibilang na dakila sa kaharian ng Diyos."
May dalawang puntong dapat nating alalahanin: Kailangang tupdin ang mga utos ng Diyos at ang motibo sa pagsunod sa mga ito. Hindi natin tinutupad ang mga utos ng Diyos dahilan sa takot. Ang Diyos ay hindi isang amo na nagpapahirap. Ang Diyos ay Diyos ng pagmamahal. Sabi nga ni San Bernardo: "Ang sukatan ng pagmamahal ay ang magmahal nang walang panukat."
Mahalaga ring alalahanin na ang mga utos o batas ng Diyos ay ipinapataw hindi upang makasakit sa atin. Ang ilan sa mga hinihingi ng Diyos ay tila naglilimita sa ating kalayaan. Subalit ang mga ito ay palaging ipinapataw para sa ating sariling kabutihan.
Ang mga utos ng Diyos ay mga gawa ng kanyang kabutihan at pagmamahal. At ang ating tugon ay dapat ding magmula sa pagmamahal. Pagmamahal na di-masusukat.