Mahigit isang taong binihag ng mga bandido ang mag-asawang Burnham at nauwi lamang sa malagim na wakas ang lahat. Salamat at nabuhay si Mrs. Burnham makaraang tamaan ng bala sa hita. Dakong 2:30 ng hapon noong Biyernes nang isagawa ang rescue operation. Ayon sa military, nakasuot ng camouflage uniform ang mag-asawang Burnham at ganoon din si Ediborah. Maaari umanong sinadya silang pagsuutin ng mga bandido upang malito ang military. Hindi pa alam kung ang mga tama ng bala sa katawan ni Martin at Ediborah ay mula sa mga bandido o sa mga sundalo ng pamahalaan na nag-rescue.
Masakit ang wakas at muli na namang inulit ni President Gloria Macapagal-Arroyo na tatapusin na ang Abu Sayyaf. Hindi na sila titigilan sa ganitong pagkakataon. Sana nga ay magkatotoo na ang panibagong banta na ito.
Marami nang inutang na buhay ang mga bandido at ang kanilang buhay ay kulang pa dahil sa ginawang kasamaan. Pumatay sila ng pari makaraang bunutan ng kuko. Isang teacher ang hindi nila igina-lang na bago patayin ay tinapyasan muna ng suso. Dalawang lalaki pa ang kanilang pinugutan ng ulo at saka inilibing. Hindi rin malilimutan ang ginawa nilang pagpatay kay Guillermo Sobero noong June 12, 2001. Si Sobero ay Amerikanong kasama ng mga Burnham na dinukot sa Dos Palmas.
Marami ang nagdududa sa kakayahan ng military sa pagdurog sa mga bandido. Hindi nga bat naakusahan ang military ng pakikipagkutsaba sa mga bandido kaya nakatakas ang mga ito makaraang lusubin ang Jose Torres Hospital. Ang nag-akusa ay si Fr. Cirilo Nacorda.
Hindi maiiwasang magduda sa kanilang kakayahan sapagkat may pruweba na. Ngayong nabigo at naging malagim ang kanilang rescue sa mga bihag, at nakatakas pa si Abu Sabaya, maitatanong na may kakayahan nga ba sila sa kritikal na sitwasyon?