Gustong maging miyembro ng Pag-IBIG Overseas

Dear Secretary Defensor,

Ako po ay magta-trabaho sa Hong Kong at hinihintay ko na lang ang aking visa para makaalis. Nais ko po kasing mag-apply bilang member ng Pag-IBIG Overseas Program. Puwede pa kaya ako kahit member na ang aking asawa? Mangyari po’y hiwalay na kami ng aking mister at gusto ko po na kami ng mga anak ko ay magkaroon ng sariling tahanan. Gusto ko rin po na malaman kung may term ang paghuhulog at hanggang kailan ito matatapos. Makukuha ko rin ba
ang lahat ng hinulog ko? MEREDITH B. MARCOS ng Quezon City

Maaari kang maging miyembro ng Pag-IBIG kahit ang iyong asawa ay member na. Hinihikayat kita na maging miyembro ng Pag-IBIG upang ang lahat ng mga benepisyo at pribilehiyo ng iyong asawa bilang miyembro ay maaari mo ring matamasa. Kung hindi ka pa nakaaalis, maaari kang magtungo sa Pag-IBIG Overseas Program Office (POP) sa 6th floor, Atrium Bldg., Makati City upang maipaliwanag sa iyo ang programa at mga kinakailangang dokumento para sa iyong membership. Kung ikaw naman ay nasa Hong Kong na, maaari kang magsadya o sumulat sa Pag-IBIG Overseas Program c/o Philippine Consulate General United Centre, 95 Queensway, Hong Kong para sa karagdagang impormasyon.

Ang buwanang kontribusyon sa ilalim ng POP ay mula sa US$20 hanggang US$50, depende sa laki ng gusto mong utangin. Kapag ikaw ay nakapaghulog ng halagang katumbas ng 12 buwang kontribusyon ay maaring umutang ng para sa pabahay. Ang housing loan ay maaaring bayaran sa loob ng 5 o 10 taon. Ang buwanang bayad ay depende sa laki ng halagang inutang.

Para sa mga katanungan ipadala ang inyong mga liham sa – Office of the Chairman Housing and Urban Development Council, 6th Floor Atrium Building, Makati Avenue, Makati City. Pakilagay lamang kung nais niyong ilathala ang inyong liham sa column na ito. Maraming salamat.

Show comments