Gustong umutang sa Pag-IBIG Multi-Purpose Loan

Dear Sec. Mike Defensor,

Ako po ay 33-anyos, may-asawa at apat na anak. Ako po ay isang pribadong empleyado at limang taon na miyembro ng Pag-IBIG. Regular po ang aking kontribusyon sa Pag-IBIG. Nais ko po sanang hingin ang inyong tulong upang makautang sa Pag-IBIG Multi-Purpose Loan upang makapagpatayo ng maliit na tindahan dito sa amin. Kakaunti po ang kita naming mag-asawa at hindi sapat para sa aming pang-araw-araw na gastusin.

Ano po ba ang mga requirements at magkano po ang maaring utangin? Malaki po ba ang interes? – Merceditas Andres ng Pasig


Ang Multi-Purpose Loan (MPL) ng Pag-IBIG ay naglalayong magbigay ng tulong pinansiyal sa mga miyembro nito na maaaring gamitin sa livelihood, pang-medical at pang-edukasyong pangangailangan, pambili ng mga kasangkapan at gamit sa bahay at iba pang pangangailangan. Ang bawat miyembrong nakapag-hulog ng 24 na buwanang kontribusyon at aktibo o regular na nagbabayad ng kontribusyon ay maaaring umutang. Ang halaga ng mauutang ay hindi hihigit sa 60% ng inyong Total Accumulated Value (TAV), ang TAV ay ang suma ng iyong personal na kontribusyon, ang counterpart ng iyong employer at ang kita ng mga kontribusyon. Ang interes ay 10.74 percent kada taon at ito ay babayaran sa loob ng dalawang taon na ibabawas sa suweldo. Para sa karagdagang impormasyon ipapadala ko sa iyo ang brochure ng MPL.

Para sa mga katanungan ipadala ang inyong mga liham sa – Office of the Chairman Housing and Urban Development Council, 6th Floor Atrium Building, Makati Avenue, Makati City. Pakilagay lamang kung nais ninyong ilathala ang inyong liham sa column na ito. Maraming salamat.

Show comments