Kung may sapat na kaalaman ang mga pulis at hindi nataranta makaraang i-hostage ng isang bangag sa droga si Dexter Balala, 4, noong Biyernes ng madaling araw maaaring buhay pa siya. Hindi marahil naghihinagpis ang mga magulang ng bata dahil sa maaga nitong pagkawala. Labintatlong saksak ang itinarak ng bangag na si Dominador de la Cruz kay Dexter bago nakakilos ang mga tutulog-tulog na pulis Pasay. Bukod sa mga saksak, tinamaan din ng bala si Dexter na naging dahilan nang biglaan nitong kamatayan. Hindi na ito nakaabot ng buhay sa ospital. Hindi makapaniwala ang magulang ng bata na wala na ang kanilang anak.
Hindi nakakilos at pawang nakaabang ang mga pulis Pasay at miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) habang lantad na lantad ang katawan at ulo ng bangag na si De la Cruz. Wala silang kaaalam-alam kung ano ang gagawin sa sitwasyong iyon at pinanood lamang sa loob ng dalawang oras na walang ginagawang paraan para ma-neutralize ang hostage taker. Kulang na kulang sa kaalaman ang mga pulis Pasay. At kung hindi magkakaroon ng pagbabago sa mga pulis dito at sa ibang departamento, maraming sibilyan ang mamamatay nang walang kalaban-laban. Ang ipinakita ng mga pulis at SWAT sa hostage drama ay malaking batik sa PNP. Sinibak din kaagad ang Pasay City police chief na si Supt. Eduardo de la Cerna. Iyon ang premyo sa kanyang pagtulug-tulog. Ang pagsibak ay ipinag-utos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Edgar Aglipay. Imbestigahan din naman ang mga nagpaputok ng pulis at SWAT na naging sanhi rin ng kamatayan ni Dexter.
Mismong sa bibig ni Aglipay nanggaling na kulang sa kakayahan ang mga pulis kung kaya kailangang isailalim sila sa seminar. Hindi na aniya dapat pang maulit ang madugong hostage drama. Nararapat lamang ito lalo pa nga ngayong nagkalat ang mga bangag at masasamang loob.