Bakit ba Doktor may Araw ng Pasasalamat?
Ang Araw ng Pasasalamat ay batas sa kinaugalian ng mga Amerikano. Ayon sa pagkaalam ko ang unang Araw ng Pasasalamat sa kanila ay idinaraos sa huling Huwebes ng Nobyembre. Mga bago silang salta sa Amerika at nagpapasalamat sa Diyos sa unang matagumpay na tanim at ani, paliwanag ko.
Ganoon pala nagsimula ang Araw ng Pasasalamat. Kung ganoon ay parehas din ng Araw ng Pasasalamat sa nayon, dagdag ni Tata Poloniong. Taun-taon ay idinaraos ang fiesta rito. Nakasalalay sa parangal at pagsamba sa ating Patron. Pero kasabay nito ay pasasalamat sa mabuting ani. Kaya ang pagbawal ng fiesta ay hindi maaaring mangyari. Hindi maiiwasan ang magpasalamat ang mga taga-nayon. Puwedeng bawasan ang karangyaan at gastos pero ang pasasalamat at pagsamba ay kailangang ipagpatuloy. Maalala ko nga pala, hindi lang tayo nagpapasalamat sa magandang ani.
Ano pa? tanong ko bilang tanda na ako ay nakikinig kay Tata Poloniong.
Dito may karagdagang idinaraos na ang tawag ay hugas-kalawang. Ibig sabihin ay paglinis ng kalawang ng araro. Pero ang ipinagdiriwang ay ang matagumpay na pagpunla ng tanim na palay.
Ang ibig ninyong sabihin ay nagpapasalamat ang magsasaka sa mabuting ani pero nagbibigay salamat din sa matagumpay na pagtatanim sa lupa, sabi kong napangiti.