At hindi ako magtataka kung may lalabas pang mga white paper para magsiraan ang mga grupong may ambisyon na palitan si Mendoza dahil sa tingin ng mga junior officers ng PNP na nakausap ko hindi titigil ang mga ito hanggang maiupo na nga ni GMA si Ebdane. Ika nga, kumikilos pa ang mga dirty tricks nila at naghahabol sila ng panahon. He-he-he!
Ang dami nilang perang panggastos ibig sabihin niyan mangungurakot din sila pag-upo nila para mabawi ang kanilang ginastos, di ba mga suki? At habang tumatagal naman ang problemang ito, ang naapektuhan ay ang liderato ni Mendoza na itinuturing na ama ng mahigit 120,000 kapulisan natin.
Kasi nga, bilang ama ng pamilya dapat ikumpas na ni Mendoza ang kanyang mga kamay para matigil na itong bangayan diyan sa PNP, di ba mga suki? At kung hindi pa ibubulgar ni Mendoza ang kahihinatnan ng kanyang imbestigasyon, ibig bang sabihin niyan totoo ang nilalaman ng white paper na may kinalaman sila ni Piad sa lumabas na ads laban kay Ebdane?
Kasi sinabi sa dalawang pahinang white paper na ang gusto palang iupo ng grupo nina Mendoza at Piad bilang kasunod ng PNP chief ay si Dep. Dir. Gen. Reynaldo Velasco, na bata naman ni dating executive Secretary Renato de Villa. Ika nga gumagana ang Batangas connection sa Gabinete ni GMA. Si Velasco ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 71 na luma-lobby nang husto para maiupo ang isa sa kanilang kaklase bilang kapalit ni Mendoza.
Kasama sa nag-ambisyong magkaklase ay sina Piad, NCRPO chief Dep. Dir. Gen. Edgar Aglipay at Dir. Virtus Gil, ang deputy ng personnel and records management. Ito namang si Ebdane ay nasa ilalim ng grupo ni dating President Fidel Ramos. Kung ang mga junior officers ng PNP ang tatanungin, itong awayan diyan sa Camp Crame ay extension lamang ng away ng kampo nina Ramos at De Villa. Di ba dati silang magkasangga mga suki? Nag-away na ba sila? Sa anong dahilan?
Kaya binabantayang maigi ng mga junior officers ang susunod na reshuffle ng matataas na opisyal ng PNP at dito kasi malalaman kung kaninong grupo ang malakas bumulong sa ngayon kay GMA. Pero sa tingin nila hindi maganda para sa imahe ni GMA kung hindi si Ebdane ang iupo niya sa trono ng PNP, kasi nga apat na beses na niya itong idineklara. Ang wish lang ng mga junior officers, itigil na itong bangayan, at imbes ay mabuo na sila para labanan ang lumalalang kriminalidad sa bansa. Get nyo?