Umaabot na sa siyam na preso ang namatay dala ng init at sikip ng kanilang piitan. Maging si Manila Mayor Lito Atienza ay inamin na hindi makatao ang kanilang kalagayan. Ang kulungan ay para lamang sa 1,000 bilanggo. Sa kasalukuyan, umaabot na sa 3,709 ang nakapiit dito.
Nasa kamay ng pamunuan ng kulungan ang plano para sa isang makabagong "death-row" sa pambansang piitan. Siksikin mo silang parang sardinas at hayaang mamatay nang natural.
Dagdag pa rito, nakaisip na rin sila ng solusyon sa mga suliraning dulot ng mga militanteng grupo at aktibistang nag-aaklas laban sa parusang kamatayan. Sino ang sisisihin kung ang bilanggo ay mamatay sa tuberculosis o sa ibang sakit bunga ng marumi at masikip na kapaligiran.
"Masikip at maalinsangan tuwing tag-init at binabaha naman tuwing tag-ulan kaya mabilis magkahawahan," sabi ni Atienza. Marahil, kakampi ng mga guwardiya ang sakit.
Hiniling ni Atienza sa Bureau of Jail Management and Penology na isara ang city jail at ilipat na lang ang mga preso sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, bayan ng Taguig. Bagung-bago at malinis ang kulungan. Iisipin ng mga bilanggo na pinagbakasyon sila sa bilibid.