Malamang na dahilan

MULA 1952, taxi-driver na si Julian ng mga taxing pag-aari ni Francisco. Bago siya tinanggap, dumaan siya at nakapasa sa isang medical examination na nagpapatunay na siya’y malusog at walang sakit.

Ngunit pagkaraan ng anim na taong pagmamaneho, nakaramdam si Julian ng pananakit ng dibdib at kahirapang huminga. Kaya dinala siya ng kanyang pamilya sa ospital at natuklasang mahina at naninikip ang kanyang puso at may alta presyon. Pagkatapos ng limang araw sa ospital at ilang linggong pahinga, pumasok na muli si Julian sa trabaho. Inabisuhan niya si Francisco tungkol sa kanyang sakit sa puso.

Pagkaraan ng isang taon, inatakeng muli si Julian habang nagmamaneho. Mula noon, paulit-ulit na bumabalik ang sakit niya sa puso kaya lagi siyang nagpapatingin. Sa bandang huli, hindi na nakapagtrabaho nang regular si Julian. Ngunit lagi naman siyang nagre-report sa manager at siya’y humihingi ng vacation at sick leave. Sa halip na siya’y bigyan, pinababale lang siya. Dahil sa paglubha ng sakit, tuluyan nang nawalan ng kakayahan si Julian na magtrabaho pa at walang katiyakan kung siya’y gagaling pa. Kaya nanghingi siya ng kaukulang kabayaran kay Francisco, kasama na ang gastos sa pagpapagamot.

Tumanggi si Francisco. Wala raw koneksyon ang sakit ni Julian sa kanyang trabaho. Tama ba si Francisco.

Mali.
Ang pagmamaneho ng taxi sa Maynila ay hindi biro. Ang trapik at pagtulong sa pagsakay at pagbaba ng bagahe ng pasahero ay malaking bagay sa paggrabe ng sakit ni Julian. Bagamat maaaring may iba pang dahilan, ito’y hindi isang sagabal sa pagbayad ng kanyang hinihiling. Sa ilalim ng batas, hindi naman kinakailangang ang trabaho ang tanging sanhi ng paggrabe ng sakit upang ang trabahador ay mabigyan ng kaukulang benepisyo. Sapat nang maipakita na malamang na galing nga sa trabaho ang sakit. (Abana vs. Quisumbing 22 SCRA 1278).

Show comments