Ang isa sa mga isyu ng oposisyon ay ang pakay daw ng administrasyon na magkaroon ng monopolya sa pulitika. Sa idinaos na political summit kamakailan, isinusuko na raw nila ang kanilang karapatang maging minoriyang independiyente. Mali naman ito. Kailangan ang pananaw ng oposisyon sa mga patakaran na makakabuti sa bansa. Ang pagiging oposisyon ay mayroong lugar ng paghahayag. Magandang pagkakataon sana ang summit para dito. Magandang marinig din ang panig ng oposisyon upang malaman kung anu-ano ba talaga ang mga patakaran na isinusulong lamang para sa pansariling interes ng mga pulitiko. Ito ang dapat nilang pinagtuunan ng pansin, at hindi ang pag-boycott.
Panahon na rin upang tapusin na ang usapin sa Charter Change, o Cha-cha. Sa paulit-ulit na urong sulong ng paksang ito, Cha-cha na talaga ang sayaw na nababagay.
Ang tanging makakapagpasya ng kahihinatnan ng Cha-cha ay walang iba kundi mga pulitiko rin. At sa kanilang pagtalakay nito sa summit, malaki ang kabutihan nito para sa kaayusan at kapanahunan ng payak na batas ng Pilipinas. Laking oras ang matitipid kung ang mga pulitiko ay maliwanagan sa mga tunay na isyu na umiikot sa usaping susog sa Saligang Batas.