Ang Ebanghelyo para sa kapistahan ngayon ng Banal na Trinidad o Banal na Santatlo ay makakatulong sa atin na maunawaan ang Trinidad ng mga person ngunit iisang Diyos. Ibinabahagi ni Juan sa atin ang kanyang malalim na pagninilay sa maikling Ebanghelyong ito (Jn. 3:16-18).
Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.
Mahal ng Ama ang Anak. Ibinabahagi niya lahat ng mayroon siya sa kanyang Anak. Minamahal din ng Anak ang Ama. Ibinabalik niya sa Ama ang lahat ng kanyang mga natanggap. Mula sa ganitong palitan ng pagmamahal, nagmumula ang Espiritu Santo. Ito ang Banal na Trinidad. Ito ang misteryo ng ibinahaging pagmamahal.
Tulad ng lahat ng pagmamahal, hindi nilimita ng Banal na Trinidad ang pagmamahal sa sarili nito. Ibinabahagi nila ang kanilang pagmamahal kahit na doon sa mga labas sa kanilang kaisahan. At yaon ang sinasabi ng ating Ebanghelyo: Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Ang tanging kondisyon na ibinigay sa atin ay: Manalig tayo sa Anak. Manalig sa pagmamahal ng Anak na namatay para sa atin. Manalig sa Ama na nagbigay sa atin ng kanyang Anak. At manalig sa Espiritu Santo na ibinigay sa atin at nananahan sa atin.
Ito ang kapistahang ipinagdiriwang natin ngayon ang Banal na Trinidad na nagmamahalan sa isat isa at nagmamahal sa ating lahat, na nagbabahagi ng kanilang buhay at pagmamahal. Kasama nila, tayoy mabubuhay nang walang hanggang kaligayahan magpakailanman.