Malapit na ang barangay elections. Kailangang pahalagahan ito ng mga mamamayan. Ang kapangyarihan ng opisyal ng barangay ay lumalakas. Nagkakapondo na rin ito. Siguro naman ay mag-iinteres na dito ang mga tunay na propesyonal, mga seryosong tao na may kakayahang magpatakbo ng lokal na pamahalaan.
At ang mga botante naman na kapitbahay ng mga kandidato ay siguradong makapipili ng wastong representante at pinuno dahil kilalang-kilala nila ang mga ito.
Kung ang sistema ay maayos at ang nagpapatakbo ay matino, siguradong maganda ang pag-unlad ng barangay. Ang sistema ng barangay ay naaayon sa demokratikong bansa. Ito ay pamahalaang nagpapalakas sa tao at sa kanilang partisipasyon sa pamamahala. Ang nagpapalakad ay dapat seryoso at may kakayahan. Ito ang kombinasyong tutugon sa problema ng bansa.
Sa pamamagitan ng barangay, mayroon tayong gobyernong tutugon sa mga detalyadong problema ng komunidad. Problema ng mag-asawa, reklamo ng magkakapitbahay, mga asong nangangagat, mga lasing sa kanto, kahit mga lugar kung saan mayroong nagtutulak ng mga ipinagbabawal na gamot, ay mga bagay na kayang pagtuunan ng pansin ng barangay. Sa katunayan, dahil sa kaalaman ng mga opisyal ng barangay sa mga nangyayari sa kanilang maliit na komunidad, sila ang tanging pamahalaan na makapagbibigay ng epektibong hakbang para sa solusyon sa problema.
Ito ang barangay, kakaibang pamahalaan ng Pilipinas na magreresolba sa mga kakaibang problema ng mga Pilipino. Pahalagahan natin ito. Bumoto tayo ng akmang opisyal na tunay na magseserbisyo.