Nang malaman ng albularyo na pinag-aaralan ko ang panggagamot niya ay inumpisahan niyang ikuwento ang mga napagaling niya. Madaldal at may kayabangan ang albularyo. Gayunman ay nakinig ako.
"Maniwala kayo," bida ng albularyo, "ang pasyente ay wala nang baga. Tuyo na siya nang silipin sa X-ray."
Tuyo ang ginagamit na kataga para sa taong may tuberkulosis. Kung minsan ay tisiko. "Pero sa kabila ng kalubhaan ay nagamot ko pa rin siya," dagdag ng albularyo.
Hindi ako kumbinsido pero nagtanong ako kunwari, "Paano ninyo ginamot?"
Ipinaliwanag nito, "Kumuha ako ng siyam na basyong itlog araw-araw. Pinatutuyo ko maghapon. Pagkatapos ay dinidikdik ko at hinahalo sa gatas ng kalabaw at katas ng ampalaya. Pinainom ko sa pasyente tatlong beses isang araw at tumagal ng tatlong buwan. Ngayon magaling na siya. Heto siya."
Nagsalita ang gumaling na pasyente. "Bumalik ang mga baga ko. Hindi ako nakaya ng mga doktor sa siyudad."
Ano ang maisasagot ko? Pero naalala ko na sa kolehiyo ng medisina ay itinuro sa amin na noong unang panahon ang ginagamot sa TB ay ineksiyon ng calcium para mamuo (calcify) ang bahid sa baga. Hindi nga ba ang balat ng itlog ay calcium?
"Gumagaling ba lahat ng ginagamot ninyo?" tanong ko sa albularyo.
"Hindi naman. Parang sugal sa jueteng. Kung minsan nananalo, kung minsan talo