Kaso ng naaksidenteng guro

KASO ito ni Lourdes, isang guro sa probinsya. Bilang guro, ang trabaho niya ay hindi natatapos sa loob ng silid-aralan. Kahit sa bahay, nagtatrabaho pa rin siya dahil gumagawa siya ng lesson plan para sa susunod na araw, nagko-correct ng mga test papers at naghahanda ng mga proyekto ng paaralan.

Araw-araw pagpasok at pag-uwi sa bahay sumasakay si Lourdes sa jeepney. Isang hapon mga 5:20, pauwi na si Lourdes. Sumakay siya sa jeepney at sa harap naupo. Sa kasawiang palad, bumangga ang jeepney sa poste ng Meralco. Naipit si Lourdes na ikinamatay niya.

Humiling ang asawa’t mga anak niya ng kaukulang bayad sa Bureau of Public Schools. Tinanggihan ito ng nasabing kawanihan. Ang pagkamatay daw ni Lourdes noong pauwi na ay nangyari sa labas ng paaralan kaya ito raw ay hindi nangyari sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang guro. Tama ba ang kawanihan?

Mali.
Pagkatapos magturo sumakay na sa jeepney si Lourdes. Sa pag-uwi niya at pagdating ng bahay nila, may mga gawain pa siyang gagampanan na may kinalaman sa kanyang pagiging guro. Kaya nang sumakay siya ng jeepney lumilipat lang siya ng lugar ng trabaho mula paaralan patungong bahay upang gampanan ang kanyang trabaho bilang guro. Masasabing ang pagsakay niya sa jeepney ay kinakailangan sa kanyang trabaho. Ang uri ng kanyang trabaho at oras na ginugugol niya dito kahit pagkaraan ng pagtuturo sa paaralan ay mga katangi-tanging sirkumstansyang nagbigay karapatang tumanggap ng benepisyo ang kanyang mga naiwan dahil sa kanyang pagkamatay.
* * *
Maaaring mag-email kay Atty. Sison sa: josesison@edsamail.com.ph

Show comments