Noong nakaraang Martes ay nagpakita na naman nang hindi pagkakaisa ang mga commissioners. Tatlong commissioners ang hindi sumipot sa itinakdang en banc session para sa appointment ng mga election officers. Hindi sumipot sina Commissioners Luz Tancangco, Rufino Javier at Mehol Sadain. Tanging si Comelec Chairman Alfredo Benipayo at ang mga kaalyadong commissioners na sina Resureccion Borja at Florentino Tuazon ang dumalo sa session.
Matagal na ang bangayan sa Comelec na nagsimula pa noong nakaraang taon. Dahil sa kanilang pagbabangayan kaya naapektuhan ang registration ng mga bagong botante na sanay nakaboto noong May 2001 elections. Marami ang hindi nakaboto dahil hindi naging epektibo ang kampanya ng Comelec sa mga bagong voters. Nasayang ang kanilang karapatan na maghalal ng mambabatas.
Ngayon nga ay namiminto na naman na hindi matuloy ang election dahil sa hindi matapos na pagbabangayan ng mga commissioners. May tatlong milyong kabataan ang inaasahang magpaparehistro para sa SK elections at malaking kabiguan na naman kung hindi nila magagamit ang karapatang maghalal ng mamumuno sa kanila. Ano na lamang ang iisipin ng mga kabataan sa mga namumuno sa Comelec at bakit ilang ulit nang napipigil ang pagdaraos ng election?
Nagkampu-kampo na ang mga commissioners at sa wari ay matira ang matibay sa kanilang pagkakagatan. Hindi na nila iniisip ang magiging epekto ng pagbabangayan. Ang grupo ni Tancangco ay ini-appoint kasi ni dating President Estrada samantalang ang grupo ni Benipayo ay ini-appoint naman ni President Gloria Macapagal-Arroyo. Pinasok na ng pulitika ang Comelec.
Wala na ngang silbi sa aming tingin ang mga commissioners na sa halip harapin ang kanilang tungkulin ay ang pagbabangayan ang inaatupag. Sanay magkaroon na ng pagbabago sa Comelec. Matagal na namin itong hiling. Para sa bansa.