Ayon sa Naga City Council, hiniling nila ang pagsisiyasat ng Department of Interior and Local Government (DILG) ukol sa umanoy pagkakasangkot ng ilang mga matataas na opisyal ng PNP sa kriminalidad sa Camarines Sur.
Nagbunsod sa panawagan ng City Council ang pagbubunyag ni Nilo Almendral, 28, isang inmate sa Bureau of Jail and Management Penology (BJMP) District Jail sa Del Rosario, Naga City na mga matataas na opisyal ng Bicol PNP ang nasa likod ng mga isinagawang robbery, kidnapping at mga holdapan sa Kabikulan.
Isinabit ni Almendral ang mismong former Provincial Director of Camarines Sur na si S/Supt. Almario Hilario, na utak umano ng mga krimeng isinagawa ng kanilang grupo.
Marami pang mga pulis ang idinawit ni Almendral matapos nitong maging sunud-sunuran sa pagsagawa ng mga utos ng mga nasabing opisyal upang maipatupad ang krimen.
Sa kanyang sinumpaang salaysay, isa-isang kinilala ni Almendral ang mga nasabing pulis at ibinunyag ang kanyang partisipasyon sa lahat ng mga krimeng isinagawa ng kanilang grupo. Inisa-isa ng witness ang mga operasyong kinabilangan niya at ang perang tinanggap niya sa bawat mabiktima ng mga ito.
Sana ay maayos ni PNP Chief Leandro Mendoza ang sigalot na ito bago siya magretiro sa serbisyo.