Sa kasalukuyan ay dumarami ang nabibiktima ng mga motoristang mandarambong. Target nila ay ang mga naglalakad sa bangketa, naghihintay ng masasakyan, patungo sa shopping malls, namamalengke at namamasyal. Sakay ng motorsiklo ang mga kawatan. Bumubuwelo sila at magugulat na lang ang kanilang inagawan ng bag, alahas at cell phone. Pagkakuha ng pakay nila ay bigla nilang pasisibarin ang motorsiklo. May mga iba namang mandurugas na ang gamit ay kotse na kinarnap nila.
Kung kayo ay mabibiktima ng mga kawatan, huwag nang manlaban dahil ang mga halang ang kaluluwa ay armado ng baril at patalim. Wala nang halaga ang kanilang buhay kaya nagpapatuloy sa ganitong uri ng gawain.
Isang estudyante ang naagawan ng cell phone sa P. Campa St. Sampaloc, Manila. Nagsisigaw ang estudyante. Buti na lang at may lalaking rumesponde sa kanya at bugbog-sarado ang snatcher. Isa namang ginang na kalalabas lang sa banko ang inagawan ng bag ng ilang kabataang nakasakay sa motorsiklo. Nangyari ito sa Pasay.
Isang balikbayan na bumaba ng taksi sa harap ng shopping mall ang tinutukan ng baril at inagaw ang kanyang mamahaling relo. Ilan lamang sila sa mga nabiktima ng mga naka-de motor na mandarambong kaya dapat na mag-ingat ang lahat.