Demonstrasyon: Pang-idealismo o panggulo?

MARAMING grupo ang organisadong nagpoprotesta laban sa pamahalaan, ngunit wala naman silang solusyong maihain. Madali ang mag-ingay, mamintas at manira. Mahirap ang mag-aral, magtrabaho at umakto sa solusyon ng problema. Sa ating bansa, kailangang tigilan na ang dakdakan at umpisahan na ang tunay na pagtutulungan para sa solusyon ng problema.

Ang lansangan ng Metro Manila ay tuwinang nagiging lugar ng demonstrasyon. Isyu ng tuition fee, kababaihan, presyo ng langis, Cha-cha, manggagawa, Kano, suweldo, etcetera. Noong panahon ng diktadurya, kung saan matapang ang magpunta sa kalsada, at kung saan wala nang ibang paraan ng paglaban, at hindi na mapagkatiwalaan ang sistema, nararapat ang mag-rally, magmartsa. Isa itong epektibong paglaban. Ngunit ngayon, mukhang paso na ang ganitong galaw. Lumalabas na takaw pansin na lamang ang nais ng ibang grupo. At iyong hindi makaintindi ng proseso ng paglatag ng hinaing ang siyang tumutungo sa kalsada.

Nirerespeto natin ang karapatan ng bawat Pilipino na maghayag ng kanilang kaisipan. Ngunit kung ito naman ay tatapak sa karapatan ng mga ordinaryong mamamayan na nagpapawis, nagtatrabaho, at nais nang sumulong ang bansa, nararapat din namang proteksiyunan ito ng pamahalaan.

Marami ring mga grupo ang pinopondohan upang manggulo. Dapat ay harangin ito. Iba na ang motibasyon ng ganitong mga tao. Hindi na idealismo kundi panggulo ang hangad nito.

Ang pagmartsa sa kalsada ay naghihiwatig ng paglabag sa patakaran, paghayag ng paglaban sa awtoridad. Sa isang umaasensong bansa na tulad ng sa atin, na may batang demokratikong pamahalaan, mahalagang makontrol ito. Hindi dapat malason ng mga may baluktot na prinsipyo at masamang hangad ang isipan ng mga inosenteng mamamayan. Ang karapatang ito ng ibang tao ay protektado rin ng batas at demokrasya.

Sa ikauunlad ng bansa kailangang ituon ang lakas at kaisipan sa produktibong gawain. Iwaksi na ang nakapapagod na pagbabatikos at paninira.

Show comments