Sinabi ni NBI Director Reynaldo Wycoco na ipinag-utos na niya ang imbestigasyon. Sinabi ni Wycoco na ang shabu ay maayos na nakatago sa isang "safe" sa forensic laboratory ng NBIs Dangerous Drug Section. Hahalukayin umano ng NBI ang kailalaliman ng kasong ito. Gusto nilang makatiyak kung nawala nga ang shabu o nagkamali lamang sa labelling.
Hindi na nakapagtataka ngayon kung bakit patuloy ang pagkalat ng ipinagbabawal na gamot partikular ang salot na shabu. Sa kabila na may mga alagad ng batas na puspusan kung dakpin ang mga pushers at kumpiskahin ang droga, mas marami naman ang mga pabayang awtoridad o corrupt na hinahayaang mawala (o sirain) ang mga ebidensiya. Nakapagngingitngit na ang pinaghirapang trabahuhin ng mga mabubuting alagad ng batas ay nauuwi lamang sa wala.
Ang NBI ay hindi lamang sa pagkakataong ito nalagay sa kontrobersiya. Ilang taon na ang nakararaan, natagpuan sa compound nito ang karnap na sasakyan na minamaneho ng isang agent. May naganap na pagsabog sa NBI ilang taon na ang nakararaan at nakapagtatakang paano naipasok ang mga bomba. Naging kontrobersiyal din ang marami nilang confidential agents na gumagawa naman ng kabalbalan at katiwalian.
Ngayoy kagulat-gulat na siyam na kilo ng shabu ang nawawala sa NBI. Nakatatakot ang pangyayaring ito. Ang matibay na ebidensiyang magdidiin sa pusher ay wala na. Malamang na mapawalang-sala ang suspect sa pangyayaring ito at tiyak na kapag siyay nakalaya, balik siya sa dating gawain maghahasik ng lagim sa kabataan.
Gaano kaya kabilis maiimbestigahan ng NBI ang kanilang sarili? Kung ang malalaking kaso ay hindi nila malutas paano pa ang kanilang sarili. Bakit ba hindi karaka-rakang tunawin ang shabu at kailangang itinggal pa nang matagal na panahon sa NBI?