Ang paborito kong barbero

ANG paborito kong barbero sa nayon ay si Doro. Siya ay kakaiba sa mga karaniwang gumugupit ng buhok.

Wala siyang kibo. Hindi nagsasalita pag hindi tinatanong. Kaya gusto ko siya. Nakapag-papahinga ako at nakatutulog pa.

Ang kanyang barberya ay nasa harap ng kanyang bahay kubo. May karumihan ang kanyang barberya. Ang dingding ay sawaling luma at may nakadikit na retrato ng mga artista. Ang upuan ay gawa sa kahon. Sa harap ay may basag na salamin.

Minsan, may nagtanong sa akin kung bakit pinagtitiyagaan ko ang barberya ni Doro. Ang dahilan ay simple. Ito ay kaisa-isang barberya na nakadikit ang aking retrato sa dingding. Laging pinupunasan ni Doro ang aking retrato kaya walang alikabok. Ano pa naman ang gusto ko?

Si Doro ay may anim na anak at lahat ay nag-aaral. Nalaman kong tuwing Linggo ay nagsasabong siya. Hindi naman sila sumasala sa pagkain.

Ako lang ang kustomer na nagbabayad ng pera kay Doro. Napansin ko na ang mga taong nagpapagupit ay hindi nagbabayad. Parang kanila ang barberya at hindi man lang nagpapasalamat. Okey lang iyon kay Doro. Nagtataka ako kaya tinanong ko si Doro. Sagot naman niya, ‘‘Ginugupitan ko ang aking mga kanayon dahil sa bisa ng kontrata. Sa loob ng isang taon ay binabayaran nila ako ng kalahating kaban ng bigas pagsapit ng anihan.’’

Kakaibang sistema pero akmang-akma sa kalagayan sa nayon.

Show comments