"You need me to make hakot for you," ito ang ilan sa mga pasaring ni GMA sa mga journalists na ibig sabihin nilangaw ang affair kung hindi siya dumating. Hindi pala biro ang presyo ng isang mesa sa naturang okasyon. Ayon kay GMA, nagbayad ng P30,000 kada mesa ang mga businessmen at malalaking tao ng lipunan para lang mapalapit sa kanya. Maging si katotong Louie Logarta ng Philippine Daily Tribune na presidente ng NPC ay nagkumpirma na sa huling sandali na lamang nagkumahog magbilihan ng tiket ang mga parukyano nila nang malamang dadalo si GMA. Walang dumating na miyembro ng Gabinete sa naturang okasyon.
Ayon kay GMA, yon ang wise decision ng kanyang Gabinete dahil mas marami pa silang importanteng gagawin kaysa gugulin nila ang kanilang oras sa Gridiron night. Pero hindi pa rin pinalampas ni GMA ang mga hepe ng government agencies na sa tingin niya ay kailangan ng tulong ng "good press" para sila ay ma-promote o di kayay para hindi mabulgar ang kanilang ginagawang katiwalian.
Pinasaringan din niya ang business sector na pilit na sumisipsip sa kanya. Taun-taon kasing ginaganap itong Gridiron night at ang palaging ginigisa ay ang Presidente at ang mga malapit sa kanya. Pero sa nakaraang okasyon, sinira ni GMA ang protocol nang magsalita siya bago magsimula ang skit. Ibig sabihin, inunahan na niya ang mga mediamen na gusto siyang i-lampoon kayat maaaring naapektuhan na ang mga performers kayat hindi sila nakabawi. He-he-he! Nagulungan sila ni GMA, di ba mga suki?
Si Acting Press Secretary Silvestre Afable lang ang bitbit ni GMA. Maging ang kanyang asawang si Mike ay ini-snob ang affair dahil nabalitaan niya na pati siya ay ginawang katawa-tawa sa skit ng mga mediamen. Kung ang mga naglalabasang balita ang gagawin nating basehan, sobrang tame at boring daw ang skit. Kasi nga ba naman, nai-clear muna ito sa Malacañang bago ipalabas. Ano to censorship?
Pero kahit ano pa ang nangyari sa Gridiron night, mukhang hindi naman naapektuhan ang magandang samahan ng mediamen at ni GMA. Mukhang tanggap ng magkabilang panig na ganoon talaga ang mangyayari. Kung sabagay, tama lang ang okasyon dahil nakuhang magpahinga muna ni GMA bago isabak ang sarili sa pag-iikot sa buong bansa sa paggunita ng Labor Day na naging mapayapa naman.