Noong nakaraang taon ay nabahiran ng dugo ang pagdiriwang ng Labor Day. Nang araw na iyon lumusob sa Malacañang ang mga supporters ni dating President Estrada. Madaling araw isinagawa ang paglusob dahil umano sa udyok ng mga "gutom" na pulitiko. Nakapasok ang mga Erap supporters sa Malacañang at hindi na mapigilan ng mga riot police. Umulan ng bato at kung anu-ano pang mga bagay. Sinira ng mga loyalista ang anumang bagay na makita sa kalsada kotse, barandilya, ilaw sa kalsada at nanunog pa. Pinasok ang mga convenient stores, presinto ng pulis at iba pa. Nagkaroon ng putukan. Apat ang namatay at daan ang nasugatan sa riot ng mga loyalista.
Habang nakikipaglaban ang mga loyalista, ang anino naman ng mga nag-udyok na pulitiko ay hindi makita. Kamakailan din lamang nadakip ang leader ng mga loyalista na si Ronald Lumbao. Rebelyon ang kaso ni Lumbao. Kasalukuyan siyang nakapiit sa Camp Crame. Siya na lamang ang nagpapasan ng mga kasalanan habang ang iba pang pulitikong nag-udyok para magkagulo ay nagtatawa at kukuya-kuyakoy ngayon.
Nasapawan ng mga Erap loyalists ang panawagan ng mga lehitimong manggagawa at wala namang gaanong naipagkaloob si GMA kundi ang wala pa ring katiyakang pagbaba umano ng singil sa kuryente. Nasa balag pa rin ng alanganin ang kalagayan ng mga mahihirap na manggagawa.
Sana ngay sa susunod pang May 1 ay mapayapa na ang pagra-rally at wala nang dugong dadanak. Iisa ang solusyon dito, pakinggan ni GMA ang karaingan ng lahat ke Erap loyalists man o mga manggagawang humihingi ng umento. Pantay-pantay sa lahat, ibigay kung ano ang dapat alang-alang sa katiwasayan ng bansang ito.