Si San Jose, ang manggagawa

Ang kapistahan ni San Jose, ang Manggagawa ay itinatag ni Papa Pio XII noong 1958. Ninais niya na ang kapistahang ito ay magpamalas sa dangal ng paggawa. Si Jose, ang ama-amahan ni Jesus, ay isang karpintero. Si Jesus mismo ay tiyak na natutunan ang gawaing ito mula kay Jose noong sila’y nasa Nazaret.

Ang Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa pagpapahaging kay Jesus bilang ‘‘anak ng karpintero.’’ Tila minamaliit ng mga kababayan ni Jesus ang ganitong posisyon.

Isinalaysay sa atin ni Mateo ang ganitong posisyon.

‘‘Umuwi siya sa kanyang bayan at nagturo sa kanilang sinagoga. Nagtaka ang mga nakarinig sa kanya. Sabi nila, ‘Saan kumuha ng karunungan ang taong ito? Paano siya nakagagawa ng kababalaghan? Hindi ba ito ang anak ng karpintero? Hindi ba si Maria ang kanyang ina, at sina Santiago, Jose, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid na lalaki? At dito nakatira ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba? Saan niya natutunan ang lahat ng ito?’ At ayaw nilang kilalanin siya. Kaya’t sinabi ni Jesus sa kanila, ‘Ang propeta’y iginagalang kahit saan, liban sa kanyang sariling bayan at sa kanyang sariling sambayanan.’ At dahil sa di nila pagsampalataya hindi siya gumawa roon ng maraming kababalaghan.’’


Ang Diyos ang Tagapaglikha ng mundo. Sa katunayan, ng buong sanlibutan. Subalit nang si Jesus ay magkatawang-tao, inako niya ang napaka-ordinaryong gawain ng isang karpintero. Gumawa siya ng mga silya’t mesa. Marahil, gumawa rin siya ng mga laruan. Ganito niya ipinagpatuloy ang gawain ang paglikha ng kanyang Ama. Sa unang pagbasa mula sa Genesis, sinasabi sa atin na inutusan ng Diyos sina Adan at Eba na pamahalaan ang buong mundo.

Dito nasasalalay ang dangal ng paggawa. Pinarangalan ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng paghingi sa tao na makibahagi ito sa pagbibigay-anyo sa paglikha. Binigyan ng Diyos ang tao ng kaalaman kung paano gawin ang mga bagay-bagay. Binigyan niya ang tao ng pananagutan sa mundo. Kung gayon, kapag kayo’y nagtatrabaho, anumang trabaho – pagluluto, pagtatanim, pangingisda, pag-imprenta – alamin at alalahanin ninyo na buong karangalang hinihilingan kayo ng Diyos na makibahagi sa kanyang gawain ng paglikha.

Para sa kaganapan ng mundo, kailangan kayo ng Diyos gaya ng kanyang pangangailangan kina Jose, Maria at Jesus.

Show comments