EDITORYAL - Araw ng Paggawa

TAUN-TAON ay ipinagdiriwang ang Araw ng Paggawa at taun-taon din ay marami ang ngumangawa. Naging tradisyon na ang pagmamartsa sa kalsada upang iprotesta ang mga kaapihang dinaranas ng mga manggagawa. Pinadudugo ang mga kalsada sa dami ng mga wumawagayway na banderang pula. Kahit na siguro hindi binawi ni President Gloria Macapagal-Arroyo ang pagdiriwang ng Labor Day ngayong May 1, tiyak na hindi rin mapipigilan ang maraming manggagawang magngangawa. Unang idineklara ni GMA na gawing April 29 ang pagdiriwang ng Labor Day subalit marami ang umalma’t bumatikos.

Ngayong araw na ito ay inaasahang maraming maliliit na manggagawa ang dadagsa sa kalsada. Bukod sa mga manggagawa, babaha rin ang mga loyalista ni dating President Estrada upang ipagdiwang ang first year anniversary ng pagsugod nila sa Malacañang. Apat katao ang namatay noong nakaraang taon at marami ang nasugatan nang pasukin ng mga loyalista ang Malacañang. Kinailangan nang magpaputok ng baril ang mga pulis upang takutin ang mga loyalista na naging marahas na sa pagkilos.

Inaasahang araw ng pagngawa na naman ang mangyayari ngayon lalo pa at ipinahayag na ni GMA na walang mangyayaring umento sa mga manggagawa. Noong nakaraang taon ay wala ring inasahan ang mga manggagawa. Habang wala namang ipinagkakaloob na grasya sa mga manggagawa, patuloy din naman ang pagtaas ng mga pangunahing bilihin na lalo pang nagpabigat sa pasanin ng mga mahihirap.

Nagbabanta ang pagtaas ng kuryente, tubig at iba pa. Ang namimintong pagtataas ng kuryente ay salungat sa ipinangako ni GMA noong nakaraang taon na bababa ito pagkaraang pirmahan ang Power Reform Bill.

Walang maipagkaloob ang pamahalaan sa mga manggagawa. At kakatwang sa kabila niyan ay marami pa ring panlolokong ginagawa ang mga employers sa kanilang empleado. Isa na rito ay ang hindi pagpapatupad ng minimum wage increase. Noong nakaraan pang taon ipinatupad ang batas subalit hanggang ngayon ay hindi pa ibinibigay. Ayon sa report, may 9,395 commercial establishments na karamiha’y narito sa Metro Manila ang hindi sumusunod sa batas. Patuloy silang nagsasamantala at nang-aabuso sa karapatan ng kanilang manggagawa.

At sa kabila ng panloloko at pang-aabusong ito, walang ngipin ang Department of Labor and Employment para kastiguhin ang mga employers. Hindi maparusahan sa ginagawa nilang kasalanan.

Matagal nang ngumangawa ang mga manggagawa kung Araw ng Paggawa subalit walang tayngang makarinig sa kanilang daing.

Show comments