Hindi na balita ang ganito sa DPWH na itinuturing na isa sa mga tiwaling departamento ng gobyerno. Laganap ang corruption dahil sa mga palsong kontrata na inaaprubahan ng mga buwayang officials. May katwirang malugi ang departamento sapagkat bukod sa pangungurakot ay nagpapasahod pa sa mga hindi kuwalipikadong OICs na nagbubutas lamang ng bangko.
Kapuna-puna na nalulugi na nga ang DPWH sapagkat isang matibay na katibayan na wala nang magamit ang kanilang mga trabahador habang sinusungkit ang mga basurang nakabara sa mga drainage kahapon sa bahagi ng Dimasalang, Sampaloc. Dalawang DPWH employees ang gumagamit lamang nang pinagdugtong-dugtong na kawayang patpat para sondahin ang mga basura sa drainage. Hirap na hirap ang dalawang trabahador habang ipinapasok sa butas ang dugtung-dugting na kawayan. Alam kaya ng DPWH Secretary ang pagkamiserableng ito?
Sa panahon ngayon na naglipana ang mga makabagong makinarya para mapabilis ang trabaho, napag-iiwanan ang DPWH at nagiging mabagal sa pagtupad ng tungkulin. Tiyak na magiging matagalan ang pagsalaksak ng kawayan sa mga butas para makuha ang mga basurang magiging dahilan ng pagbaha. Sa Hunyo ay tiyak na magiging dagat na naman ang Metro Manila dahil sa pagbaha. Walang madaanan ang tubig sapagkat barado ng mga basura.
Milyon ang nalulugi sa DPWH dahil sa mga hindi kuwalipikadong OICs na nagbubutas lamang ng bangko. Gaano karaming pera ang matitipid kung silay aalisin at magamit sa pagbili ng mga modernong gamit para mapabilis ang trabaho nang hindi nagdurusa ang taumbayan lalo na kung panahon ng pagbaha?