Maraming nagalit sa WPP ng DOJ!

Nakaririmarim isipin na pati ang mga saksi sa mga krimen sa pangangalaga ng Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ) ay binibiktima ng mismong mga nagbabantay habang dinidinig ang kanilang mga kaso.

Kamakailan ay luhaang dumulog sa akin ang isang 29-anyos na ginang at humingi ng tulong upang mabigyan ng hustisya ang panggagahasa sa kanya ng isang security officer sa loob ng WPP safehouse noong Marso 26.

Maraming miyembro ng media ang tumuligsa sa pangyayari. Kabilang dito ang kolumnistang si Mon Tulfo. Hindi nakalampas sa pansin ni Tulfo ang kawalanghiyaang ginawa ng WPP Agent na si Gerry Lintan sa biktima.

Sinulat din ito ng kolumnistang si Jarius Bondoc ng Philippine Star at naging laman ng editoryal ng Pilipino Star Ngayon ang pangyayari. Binatikos din ng komentaristang si Arnold Clavio ng DZBB at iba pa. Bawat isa ay nagpahayag na ng kanilang sentimento laban sa WPP ng DOJ.

Hindi dapat palampasin ng mga kinauukulan ang pangyayaring ito. Ito ang tuluyang sisira sa karangalan at kakayahan ng sistemang panghustisya, na hanggang ngayon ay hindi pa lubusang nakukuha ang buong pagtitiwala ng ating mga kababayan.
* * *
Para sa mga katanungan o mga hinaing, iparating lamang ang mga ito sa vacc98hotmail.com o tumawag sa opisina ng VACC sa tel. no. 525-9126 loc. 13, 20 at 21 telefax no. 525-6277.

Show comments