Ang Jancom ay unang lumutang noong panahon ni dating President Fidel Ramos. Inalok ang pamahalaan na sila ang mangangasiwa sa problema ng basura. Hindi pinirmahan ni FVR ang proyekto sapagkat ubod ng mahal na nagkakahalaga ng P350-milyon. Muling lumutang ang Jancom sa panahon ni dating President Estrada. Inamin mismo ni Estrada noong nakaraang linggo sa isang TV interview na inialok sa kanya ang Jancom sa pamamagitan ni Flagship project Robert Aventajado. May 20 percent umanong komisyon kung pipirmahan iyon. Itinanggi ni Aventajado ang sinabi ni Estrada. Hindi rin napirmahan ang Jancom sapagkat niyugyog na si Estrada sa kanyang puwesto at napatalsik sa puwesto.
Lumutang muli ang Jancom sa panahon ni GMA subalit muling inisnab ang pagkamahal-mahal na proyekto. Sa halaga ng project ay mamumulubi ang bansa. Lalo nang gagapang ang bansang ang taxpayers din ang pinipiga. Sana ngay hindi na magbago ang pasya ni GMA sa pag-reject sa Jancom. Matalinong pagpapasya ng isang Presidente at itutuon sa ibang paraan ang pag-solve sa problema ng basura na hindi na gagastos nang malaki. Idinagdag ni GMA na puro "sabit" ang Jancom na isa ring pangunahing dahilan kung bakit niya ito ni-reject.
Dapat nang isulong ng gobyerno ang composting na isang mabuting paraan sa paglutas ng problema sa basura dito sa Metro Manila. Ihiwalay ang mga nabubulok sa hindi nabubulok. Kulang lamang ang kaalaman ng taumbayan sa pamamaraang ito subalit kung sila ay matuturuan, lutas ang problema. Sa composting ay kikita ng pera ang taumbayan at gobyerno sapagkat ang patabang mapapakinabang ay maipagbibili sa mga magsasaka. Nararapat magkaroon ng composting area sa bawat barangay. Ang mga barangay officials na rin ang magtuturo sa mga tao sa pamamaraan ng composting.
Hindi na dapat gumastos sa malaking proyekto sapagkat kaunting imahinasyon lamang, maaaring malutas ang problema sa basura.