Ang matalik na kaibigan

TINANONG ko si Tata Poloniong habang naglalakad kami patungo sa kanyang bukid. Hila niya ang kanyang kalabaw. ‘‘Sino ang matalik mong kaibigan sa nayon Tata Poloniong?’’

Mabilis na sumagot si Tata Poloniong na para bang hindi na nag-isip. ‘‘Ang matalik kung kaibigan sa nayon ang aking kalabaw!’’

Ipinaliwanag ni Tata Poloniong ang dahilan.

"Walang makapapalit sa kalabaw sa sipag nang pagtatrabaho sa bukid. Mahusay na katulong sa pag-araro at nagbibigay pa ng gatas at ang pakain ay damo lamang."

"Magaling pala talaga ang kalabaw Tata Poloniong," sabi ko.

‘‘Oo, Doktor. Hindi rin ito nagrereklamo kahit hirap na hirap sa trabaho.’’

Sinabi pa ni Tata Poloniong na ang pinakamabigat na trahedyang nangyayari sa magsasaka ay ang mamatayan o mawalan ng kalabaw na pang trabaho sa bukid.

Patuloy kaming naglakad ni Tata Poloniong habang hila niya ang alagang kalabaw. Nguya nang nguya ang kalabaw at parang walang pakialam sa nangyayari sa mundo.

Tumigil kami sa paglalakad at nakita ko ang kalabaw na basa ang ilong. ‘‘May sakit yata ang iyong kalabaw, Tata Poloniong. Parang may sipon at tumutulo ang uhog!’’

Napatawa si Tata Poloniong. ‘‘Wala siyang sakit Doktor. Ibig sabihin niyan ay malusog siya. Ang delikado ay kapag tuyo ang ilong niya dahil may sakit,’’ siguradong sigurado si Tata Poloniong sa kanyang sinabi.

Sa pananatili ko sa nayon, araw-araw ay mayroon akong natututuhan.

Show comments