Sinukat ng scientists ang polusyon na dinudulot ng usok ng kotse at trucks, at ng coal-fired power plants at pabrika. Natuklasan nila na sa bawat taas ng polusyon nang 10 micrograms per cubic meter ng hangin, nadadagdagan din nang walong porsiyento ang namamatay sa lung cancer.
Marumi ang hangin sa karaniwang siyudad sa Amerika: 25-30 micrograms per cubic meter ang sukat ng polusyon. Nauuwi na yon sa peligrong 20 porsiyento ng populasyon ay maaaring magka-lung cancer.
Wala raw yung pinagkaiba sa paglanghap ng usok-sigarilyo ng isang sanggol mula sa magulang na naninigarilyo. Malamang na magka-lung cancer din ang bata sa maruming hangin sa sariling tahanan.
Pahigpit nang pahigpit ang mga batas kontra-polusyon sa Amerika. Binabantayan nang husto ang emissions ng mga sasakyan, lalo na ng diesel, at mga pabrikang gumagamit ng coal. Pinasasala ang dumi sa pamamagitan ng catalytic converters sa sasakyan at anti pollutants sa pabrika. Pinababawasan ang lead at iba pang masasamang sangkap.
Ginaya ng Pilipinas ang ilang batas sa Amerika at Uropa para linisin ang hangin. Pinataw ng Clean Air Act ang emission tests sa mga sasakyan, binawal ang inci-neration ng basura, binalaan ang factories. Pero maluwag ang enforcement ng batas. Konting padulas lang sa may-kapangyarihan, lusot na. Kaya marumi pa ang hangin sa Pilipinas kaysa industrial countries.
Hindi iniinda ng mga Pilipino ang polusyon. Para sa atin, natural na mausok na bus, jeepney o tricycle. Galit pa ang mga pasahero kapag sinisita ng pulis ang tsuper. Kesyo nangongotong lang daw. Okey lang sa atin ang maitim na usok-pabrika. Katwiran natin, hindi naman natin nakikita ang micrograms ng dumi na sumisira ng ating baga.