Isang oras makalipas ang pambobomba, isang miyembro ng Abu Sayyaf ang tumawag sa isang radio station at inako ang malagim na pambobomba. Ayon sa tumawag, minamaliit umano ng General Santos Mayor ang kanilang grupo. Umanoy
marami nang ginagawang pagbabanta ang grupo subalit minamaliit ng pulisya sapagkat nananakot lamang umano. Umanoy may nagbanta na sa text tungkol sa pagsabog ng bomba subalit hindi pinansin. Pinaghihinalaan ng pulisya na ang mga nagsagawa ng pambobomba ay ang Indinegenous Peoples Federal State Army na humihiling ng pagbubuo ng federal states para sa Christian at Muslims.
Maging Abu Sayyaf man, IPFSA, Pentagon, MILF at MNLF o ibang grupong terorista ang may kagagawan sa karumal-dumal na pambobomba, sila ay mga kaluluwa na ang kayang patayin ang walang labang sibilyan. Totoong mga duwag na dapat durugin sakaling mahuli.
Hindi rin masisisi ng mga taga-GenSan na sisisihin ang kahinaan ng mga pinunong lokal doon at pulisya sa pagpapabaya at hindi pagpansin sa mga pagbabanta. Kung gumawa agad sila ng hakbang nang i-text ang bantang pambomba, hindi sana nangyari ang malagim na pagsabog. Ngayong nangyari na ang pagsabog saka lamang sila kikilos. Isa na namang ugaling ningas-kugon na kung kailan may namatay saka naghihigpit.
Pagsikapan sana ng mga awtoridad na mahuli ang mga walang kaluluwang nambomba. Panibagong saksak na naman ito sa imahe ng Pilipinas at katatakutan na naman ng mga turista at investors. Dakpin ang mga hayop sa lalong madaling panahon! Pagbayarin sila sa kasalanan.