Pero, pati yan ay malamang na buwisan na rin. Pinag-aaralan ni Finance Sec. Jose Isidro Camacho kung papano papatawan ng tax ang text messages sa cellphones.
Tinangka nang gawin yan ng Kongreso nung 1999. Umalma lang ang taumbayan, kaya umatras ang mga mambabatas. Saka di sumang-ayon noon ang Malacañang, kaya namatay ang panukala. Ngayon, sa ehekutibo na nanggagaling ang panukala, kaya malamang na ipasa ng Kongresong walang alam na pampondo sa gastos-gobyerno kundi buwis.
Kung ita-tax ang text, ang tatamaan ay maliliit na tao. Sa texting lang sila nagkaroon ng pagkakataong makipag-tsikahan nang mura sa kamag-anak at kaibigan sa malalayong lugar. Ang mahal kasi ng long-distance calls. Sa text, piso lang ay nakakapag-palitan pa sila ng jokes ano mang oras o pook. Instant ang sending, di tulad ng koreo na inaabot ng ilang araw. Kaya pinag-iipunan ng tindera sa palengke, konduktor sa bus at katulong sa bahay ang cellphone, para makapag-text.
Hindi na status symbol ng mayayaman ang cellphone. Basic na kagamitan na miski ng maliliit; walang pinagkaiba sa pagkain, damit at tirahan. Kung ita-tax ang text, para na ring hinuthutan ng gobyerno ang mahihirap sa pamamagitan ng pagbubuwis sa pasahe, mantika o pad paper sa school. Aba, teka, may buwis na nga rin ang naturang items.
Kaya pala may kasabihan ang mga sinaunang Romano. Dalawang bagay lang daw ang tiyak sa buhay ng tao: kamatayan at buwis. Yun nga lang, mas matamis minsan mamatay kaysa magbayad ng buwis sa ilong.
Kung tutuusin, dati nang may buwis sa cellphones: 10-percent VAT at overseas call taxes, bukod sa currency exchange rate adjustment. Kung magpapataw pa ng tax sa text, e di pati buwis ay binuwisan.
Teka, ano nga ba ang nailathalang Globe at Smart cellphone numbers ni President GMA? I-text natin sa kanya na tayo ay kontra-tax.