Ang mabuting Pastol

Noong panahon ng ating Panginoon, nakita niya na ang mga Pariseo ay hindi tunay na mga pinuno ng taumbayan. Pinahalagahan nila ang kanilang mga sarili kaysa ibang tao. Kinamumuhian nila ang mga ordinaryong tao. Kung kaya’t sa pagtukoy ni Jesus sa Lumang Tipan, isinalarawan niya ang kanyang sarili bilang ang mabuting pastol.

Habang inyong binabasa ang Ebanghelyo, limiin ninyo kung paanong ipinakita ni Jesus ang kaibahan ng isang tunay at mabuting pastol sa isang di-totoo at huwad na pastol. Ang kaibhan ng kanilang ginagawa at di-ginagawa (Juan.10:1-10).

‘‘Tandaan ninyo ito: Ang pumapasok sa kulungan nang hindi sa pinto nagdaraan, kundi umaakyat sa di dapat pagdaanan, ay magnanakaw at tulisan. Ngunit ang nagdaraan sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa. Pinapapasok siya ng bantay-pinto, at pinakikinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kani-kanilang pangalan, at inilalabas sa kulungan. Kapag nailabas na, siya’y nangunguna sa kanila at sumusunod naman ang mga tupa sapagkat nakikilala nila ang kanyang tinig. Hindi sila sumusunod sa iba, bagkus pa nga’y patakbong lumalayo, sapagkat hindi nila nakikilala ang kanyang tinig.’

‘‘Sinabi ni Jesus ang talinghagang ito, ngunit hindi nila naunawaan ang ibig niyang sabihin.

‘‘Kaya’t muling sinabi ni Jesus: ‘Tandaan ninyo: Ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko’y maliligtas. Papasok siya’t lalabas, at makatatagpo ng pastulan. Kaya lamang pupunta rito ang magnanakaw ay upang magnakaw, pumatay, at magwasak. Naparito ako upang ang mga tupa’y magkaroon ng buhay – isang buhay na ganap at kasiya-siya.’’


Dalawang katangian ang agad na magandang lumilitaw tungkol sa Mabuting Pastol. Kilala niya ang bawat tupa, pati na kanilang pangalan. Nais niyang makamit ng bawat tupa ang kaganapan ng buhay.

Ang laking kaginhawahan ng kalooban na matalos na kilala ni Jesus ang bawat isa sa atin at alam niya ang pangalan ng bawat isa. May ganitong mga kataga si Yahweh sa aklat ni Isaias: ‘‘Tinawag ko ikaw sa iyong pangalan; ikaw ay akin.’’ (Is. 43-1) Huwag ninyo kailanmang iisipin na kayo’y nag-iisa. Kapag kayo’y nalulumbay, tawagin ninyo si Jesus.

Malinaw na sinasabi ni Jesus: ‘‘Ako’y naparito upang ikaw ay magkaroon ng kaganapan ng buhay.’’ Ang kanyang mga kataga ng buhay ay para sa inyo. Ang kanyng katawan ay pagkain para sa inyo. Ang kanyang dugo ay inumin para sa inyo. Ang lahat ng ito ay inihahandog niya sa inyo araw-araw.

Show comments