Matagal na itong inireklamo ng mga miyembro ng South Luzon Bus Operator Association sa DOTC, LTFRB, LTO at maging sa Traffic Management Group (TMG) pero iniisnab daw sila ng mga nasabing ahensya? Bakit kaya?
Hinihintay pa siguro ng mga nabanggit na ahensiya ng pamahalaan na may maaksidente bago sila umaksiyon? Iyon bang maraming mamatay sa pagsakay sa mga colorum vehicle? Huwag naman sana!
Malalakas ang loob ng mga drayber nito kahit na walang plate number kung bumanat sa mga kalsada. Akala mo nabili nila ang kalye. Nabubuwisit ang ilang miyembro ng SOLBUA porke nadadagit ang kanilang pasahero ng mga colorum at matatapang pa umano ang mga ito.
Ayon sa kuwago ng ORA MISMO, na drayber ng isang sasakyan sa Candelaria, Quezon, karamihan umano sa mga colorum vehicles na nakikita niyang bumibiyahe ay ang South Star, Barney, St. Jude Transit, Arandia Lines at Villegas Transit, etcetera.
Totoong mahirap kitain ang pera sa marangal na paraan pero mas matindi siguro kung ang ilegal na bagay ay kinukunsinti ng mga awtoridad sa amin para pati sila ay magka-pitsa rin?
"Dapat aksiyunan ni Secretary Alvarez ang mga bagay na ito. Hihintayin pa ba nilang may madisgrasya bago sila magpa-pogi sa media?" anang kuwagong SPO-10 sa Crame.
"Hindi siguro alam nina LTO bossing Bobby Lastimoso at TMG bossing Ato Paredes na may mga bata siyang kumukunsinti sa kagaguhan ng mga colorum ng nabanggit na probinsya," sabi ng kuwagong pulis na naglalanggas ng kanyang sariling galis.
"Panahon na para itigil ito," anang kuwagong Kotong Cop.
"Bakit?"
"Marami na ang nagka-pitsa sa kanila"
"Tumpak ka diyan!"