Paglilinaw ng Meralco sa power rate increase

DATI’Y umugong ang tsismis na nais doblehin ng MERALCO ang singil sa kuryente. Kinuwestyon pa nga natin ito sa kolum na ito dahil ang balita’y gusto lang ng MERALCO na makatipon ng pambayad sa dambuhalang $2 billion utang ng mga Lopez. Hindi tayo nag-akusa kundi nagtanong lamang kung ito’y totoo. Verum Est?

May paglilinaw na ang MERALCO. Hindi "doble" kundi trenta sentimos na dagdag lamang sa kasalukuyang P6.30 per kilowatt hour ang hinihingi nito sa Energy Regulatory Board. In the interest of fair reportage, bigyang daan natin ang paliwanag na ito.

Thirty centavos plus P6.30 equals - P6.60.
Iyan lang daw ang gusto ng MERALCO, no more, no less. Ngunit bakit may mga sektor na naggigiit na higit diyan ang gusto ng MERALCO?

Halimbawa, ipinipilit ni Rep. Crispin Beltran ng Bayan na gusto ng MERALCO na magpataw ng taas na P1.12 bawat KWH sa singil sa kuryente.

Kung ganyan nga ka-laki (gaya ng sinasabi ni Ka Beltran) ang planong pagtataas, talagang dapat tutulan. Pero nagsalita na ang MERALCO na, repeat - TRENTA SENTIMOS lang ang hinihinging dagdag nito. And I take MERALCO’s word for that.

Ang hirap sa ibang tao, wala silang maipakitang basehang matematika sa akusasyon nila. Ano’ng kanilang layunin, maghasik ng galit sa mamamayan sa panahong ito na patuloy na nawawalan ng tiwala sa gobyerno ang maraming taumbayan sa hirap ng buhay?

Ako’y walang tutol sa price increase kung sadyang kinakailangan at rasonable ang dahilan.

Alam natin na bumibili lamang ng kuryente ang MERALCO sa National Power Corporation (NAPOCOR) sa halagang P4.41 per KWH. Kaya sa kasalukuyang P6.30 na ibinabayad natin, P4.41 ang napupunta sa NAPOCOR.

Sampung porsyento lang ng elektrisidad ang kinukuha ng MERALCO sa dalawang independiyenteng power producers samantalang ang pinakamalaking 90 porsyento ay mula sa NAPOCOR.

Ang MERALCO’y nagsisilbi lamang na "kulektor ng P4.41 para sa NAPOCOR. At gaya ng itinatadhana ng regulatory measures, ang P1.10 ay inilalaan para mapagtakpan ang systems loss sanhi ng mga technical problems at pangungipit ng kuryente ng ilang tiwaling mamamayan. Ipinantatakip din ito sa mga unpaid bills at buwis na ibinabayad sa gobyerno.

Ayon sa MERALCO ang pinaka-kita ng korporasyon ay 79 sentimos lang per KWH bilang tagapamahagi ng elektrisidad kaya ang total na binabayaran ng consumer ay P6.30 per KWH.

Sa ngayon, may kabuuang 140 distributors ng kuryente bukod sa MERALCO na nais magpatupad ng power rate hike.

Hangga’t maaari’y ayaw natin ang dagdag na presyo sa ano mang serbisyo o kalakal, pero ito’y bagay na hindi maiiwasan kung minsan. Taong 1994 pa nang huling magtaas ng singil ang MERALCO or eight years ago.

Kumpara sa ibang kalakal na malaki na ang itinaas ng halaga, walang ipinatupad ng power rate hike ang MERALCO pero sa ngayo’y hindi na makaagwanta ang korporasyon kaya ito nagpepetisyon sa ERB. At ang gusto nito’y trenta sentimos na increase lang. At iya’y isang desisyong nasa disposisyon ng ERB.

Show comments