Sa pamamagitan ng Salita, Katawan at Dugo

ANG mga pagtutol ay kadalasang nakatutulong sa mga talakayan. Ang mga puntos ay nalilinaw. Ang katotohanan ay lumalabas. Ganito ang nangyari sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Inihahandog ni Jesus ang kanyang katawan at dugo bilang pagkain at inumin.

‘‘Dahil dito’y nagtalu-talo ang mga Judio, ‘Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang kanin natin’ tanong nila. Kaya’t sinabi ni Jesus, ‘Tandaan ninyo: Malibang kanin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo, tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya. Buhay ang Amang nagsugo sa akin, at ako’y nabubuhay dahil sa kanya. Gayon din naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. Ito ang pagkaing bumaba mula sa langit; ang kumakain nito’y mabubuhay magpakailanman. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga magulang sa ilang; namatay sila bagamat kumain niyon. Sinabi ito ni Jesus nang siya’y nagtuturo sa sinagoga sa Capernaum.’’


Ang unang bagay na dapat nating matalos ay: Bilang mga Kristiyano, ipinapahayag sa atin ni Jesus ang katotohanan tungkol sa kanyang sarili. Siya’y nagmula sa langit. Inihahandog niya ang kanyang sarili bilang pagkain. Sa pagpapahayag na ito, dapat nating ibigay ang ating pagsang-ayon sa pananampalataya. Pagkatapos ay isabuhay ang ating pinaniniwalaan. Samakatuwid, ang tanggapin ang katawan at dugo ni Jesus bilang pagkain at inumin. Ang katawan at dugo ni Jesus na ngayo’y walang-hanggang buhay sa langit, ay nagbibigay din sa atin ng walang-hanggang buhay. Dahil sa ating pakikiisa kay Jesus na buhay, tayo rin ay mabubuhay ng walang-hanggan.

Di-tulad ng mga Judio na tumalikod kay Jesus, tayo ay di-tumatalikod. Tayo ay kapiling ni Jesus. Hinahayaan natin ang ating mga sarili na magabayan ng kanyang mga turo at pagpapahayag. Patuloy tayong namumuhay sa pamamagitan ng kanyang mga salita, kanyang katawan at kanyang dugo.

Show comments