Okey lamang na mag-rally at paduguin ang kalsada. Nasa demokratikong bansa tayo na maaaring ihayag ang para sa atin ay tama. Kaya lamang, maraming nakaliligtaan na dapat sanang ipag-rally at kondenahin. Maraming nangyayari sa paligid na dapat sanang unahing bigyang pansin.
Sa dami ng mga kinokondena ng mga rallyists at demonstrador, hindi nila nabibigyang-pansin ang talamak na pagkalat ng mga malalaswang babasahin at video cassette discs (VCDs) na nagkalat sa maraming bangketa sa Metro Manila. Pangkaraniwan na lamang ang mga ito ngayon at wala isa mang moralista o mga makabayang mamamayan na kinokondena ang paglala ng problema. Nakatutok lamang sa maputik na pulitika ang paningin ng mga makabayan.
Sa Rizal Avenue malapit sa Carriedo St. sa Maynila ay pangkaraniwan na lamang ang pagbebenta ng mga VCDs at sa dakong Recto ay nakaladlad ang mga malalaswang magasin. Nakabuyangyang na parang mga bibingka at pati mga bata ay nagkakaroon ng malisya sa mga hubut hubad na larawang nakikita.
Hayagan ang pagbebenta ng mga triple X na VCDs. Iniaalok sa mga dumadaan at pinababayaan na lamang ng mga pulis. Sabagay, ningas-kugon naman talaga ang mga awtoridad sa ganitong bagay. Kunwariy manghuhuli subalit kinabukasay balik sa dati. Kaya hindi masisisi ang taumbayan kung wala nang maniwala o magtiwala sa mga awtoridad.
Maraming ipinagra-rally ang mga makabayan at mga mapagmahal sa bayan, pero may nagmamahal kaya sa kinabukasan ng mga kabataang nalalason ng mga malalaswang babasahin. Masakit ang epekto ng panonood ng mga malalaswa. Ngayon ay marami nang batang lalaki ang nasasangkot sa panggagahasa. Totoo ito at hindi bungang-isip lamang. Sanay magising ang mga makabayan.