Ang Tinapay ng Buhay

ANG tinapay, tulad ng kanin, ay pangunahing pagkain. Ito’y nagbibigay-buhay at nagbibigay ng lakas upang tayo’y makagawa. Sa Ebanghelyo ngayon, sinasabi ni Jesus na siya ang tinapay ng buhay. Pagnilayan natin nang malalim ang kahulugan ng mga katagang ito ni Jesus (Jn. 6:35-40).

‘‘Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay,’ sabi ni Jesus. ‘Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom, at ang nananalig sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.’’

‘‘Ngunit sinasabi ko sa inyo: Nakita na ninyo ako, gayunma’y hindi kayo nananalig sa akin. Lalapit sa akin ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama. At hindi ko itataboy ang sinumang lumalapit sa akin. Sapagkat ako’y bumaba mula sa langit, hindi upang gawin ang kalooban ko, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. At ito ang kanyang kalooban: Huwag kong pabayaang mawala kahit isa sa mga ibinibigay niya sa akin, kundi muling buhayin sila sa huling araw. Sapagka ito ang kalooban ng aking Ama: Ang lahat ng makakita at manalig sa Anak ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. At sila’y muli kong bubuhayin sa huling araw.’’


Ang mga katagang ito ni Jesus ay kanyang tugon sa kahilingan ng mga tao na sila’y bigyan lagi ng tinapay na ito. Hinihiling nila na sila’y laging mabigyan ng ordinaryong tinapay. Tinapay na makakain sa araw-araw.

Subalit hindi ordinaryong materyal na tinapay ang inihahandog ni Jesus. Ang inaalay niya’y tinapay na nagpapalakas ng buhay ng espiritu o kaluluwa. Ang tinapay na kanyang ipinapaliwanag sa bandang huli ay ang mismong katawan niya. Ang tanggapin at kainin ang tinapay na ito ay ang pagtanggap ng komunyon.

Kapag tayo’y kumakain ng kanin at ulam, ang mga ito’y nagiging bahagi natin. Napapanatili natin ang ating pisikal na buhay. Subalit kapag tinanggap natin ang katawan ni Jesus sa komunyon, hindi nagiging bahagi natin si Jesus, kundi tayo ay nagiging bahagi niya. Ang buhay ni Jesus ay mas lalong nagiging buhay natin. Sinabi ni Leo Magno: ‘‘Pagkat ang epekto ng katawan at dugo ni Jesus ay ang baguhin tayo tungo doon sa ating tinatanggap.’’ Ang ating pag-iisip ay nagiging katulad ng pag-iisip ni Jesus. Minamahal natin ang mga minamahal ni Jesus. Mas higit tayong nagiging tulad ni Jesus.

Show comments