Parehong krimen ang naganap. Yung isa, attempted rape. Yung isa naman, frustrated homicide. Sa presinto, kinumbinsi ng opisyal-pulis ang dalawa na huwag na lang magdemandahan. Kalimutan na lang ang lahat. Lumayas na lang ang katulong. Wala nang gastos sa abogado at pagtungo sa piskal. Wala nang pagtestigo ng pulis. Wala nang bista.
Masasabing praktikal ang opisyal. Ang dami kasing trabaho ng pulis: Pag-file ng report, pagdalo sa bista, patrulya, imbestigasyon. Sa palagay niya, bawas-abala at dagdag-pansin sa ibang tungkulin ang ginawang pag-aareglo. Baka kinalaunan, mawalan din lang ng interes sa kaso ang dalawang salarin-biktima, e di ayusin na habang maaga.
Pero sa totoo lang, hindi yon trabaho ng pulis. Piskal ang may tungkulin kung isasampa ang kaso sa korte o pag-uusapan na lang ng nagtatagisang panig. Abogado kasi ang piskal. Alam kung aandar ang kaso, o kung may hustisya sa areglo. Ang tungkulin ng pulis, i-report ang kaganapan ng krimen para suriin ng piskal kung may kaso o wala.
Delikadong ibigay sa pulis ang desisyon kung mag-aaregluhan na lang. Yan ay nauuwi sa sitwasyong tulad ng sa na-kidnap na Italian priest, si Fr. Guiseppe Pierantoni. Ni-report ng PNP kay Presidente Arroyo na na-rescue nila ang pari matapos ang madugong bakbakan. Binunyag naman ng pari na iniabot siya ng Pentagon Gang na kumidnap sa kanya nung Oktubre.
Nagkabayaran ba ng ransom? Siguro. Tinuturing bang ransom ang ibinigay sa mga dating rebeldeng Muslim? Hindi, ang tawag nilay "board and lodging" ng biktima. Tutugisin pa ba ang salarin? Malamang hindi, kasi nakuha na ang pari. Kalimutan na lang. Yan ang masamang dulot ng discretion ng pulis na aregluhin na lang ang mga kaso.