Insulto na ang ginagawa ng Meralco sapagkat imbes na babaan o imintina ang kanilang rates, inihayag nila na magtataas pa sila ng singil. Hindi ba sila tinatablan ng mga napakaraming reklamo tungkol sa balak na pagtataas? Binabale-wala ng Meralco ang paghihirap ng taumbayan.
Binabatikos ng taumbayan ang Power Purchase Adjustment (PPA). Ito na lagi ang paksa ng komentaryo sa radyo, telebisyon at mga pahayagan. Subalit, hindi pinapansin ng Meralco. Bakit kaya?
Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit pinababayaan ng pamahalaan lalo na ang mga pinuno ng mga regulatory agencies at mga mambabatas na maging malaya ang Meralco sa gawaing panlalamang sa mamamayan. Sobra na ang pang-aabuso ng Meralco!
Dapat nang kumilos at ang pamahalaan. Kinakailangan nang pakialaman ni President Gloria Macapagal-Arroyo ang problemang ito. Kung hindi ito mabibigyan kaagad ng solusyon baka may mangyari pang hindi kanais-nais sa bansa na kasalukuyang nahaharap sa napakaraming suliranin.