Matagal nang ipinipilit ang Charter change (Cha-cha). Noon pang panahon ni dating President Fidel Ramos ay marami na ang pumagitna para isayaw ito. Kanya-kanyang indak sa saliw ng pambobolang tugtog na makabubuti kung aamyendahan ang Konstitusyon. Marami ang umangal at bumatikos. Unang step sa pag-indak ay binulabog ng pagtanggi sapagkat natunugan na gusto lamang ng mga mambabatas na palawigin ang panunungkulan. Susundan ang tapak ng pagmamalabis sa puwesto, na walang ipinagkaiba sa ginawa ng diktaduryang Marcos.
Sinabi ng mga pumapabor sa Cha-cha na napapanahon na para baguhin ang Konstitusyon para makasunod sa takbo ng panahon. May punto sila riyan subalit hindi dapat unahin ang paglalawig sa termino bagkus ang dapat amiyendahan ay ang malalabong probisyon sa Konstitusyon. Iyan ay dapat linawin. Liwanagin ang power ng hudikatura na makapanghimasok sa usaping may kinalaman sa ekonomiya ng bansa. Susugan ang probisyon na nakaaapekto sa dayuhang pamumuhunan at nang makipagtagisan ang bansa sa pandaigdigang kalakalan. Bigyang liwanag ang probisyon ukol sa pagbawi sa mga ill-gotten wealth (lalo at nawawalan ng liwanag ang tungkol sa Marcos wealth).
Maging si President Gloria Macapagal-Arroyo ay kontra sa Cha-cha. At maganda ang kanyang katwiran sa pagsalungat dito. Nararapat aniya munang unahin ng mga mambabatas ang mga priority bills bago ang Cha-cha. Labing-anim na batas ang nakabimbin sa kasalukuyan at hindi pa naiipasa. Ang mga batas ay mahalaga sapagkat nakasalalay dito ang pag-unlad ng ekonomiya at ang pag-angat ng kalagayan ng mga mahihirap.
Paano mabibigyan ng panahon ang 16 na priority bills kung nakatutok sa Cha-cha ang mga magagaling na mambabatas? Mahirap yan. Maiiwan tiyak sa kangkungan. Unahin sana ng mga mambabatas ang kapakanan ng mga naghalal sa kanila at hindi ang sarili sa pagsasayaw ng Cha-cha.