Sina Chief Inspector Antonio Entico, operations chief ng Special Operations Group (SOG) ng Manila City Hall, SPO2 Fernando Timbang, PO1 Evans Buyser at SPO3 Reynaldo Morales ay sinampahan ng kasong murder sa Ombudsman at grave misconduct at reckless imprudence resulting to homicide sa Peoples Law Enforcement Board (PLEB) ng kaanak ni Engelbert Lagman matapos na ang huliy matagpuang patay sa loob ng Plaza Miranda police detachment noong Nob. 11, 1996.
Ayon sa record, noong hapon ng Nob. 10, 1996 si Lagman ay dinala ng mga pulis na sina Timbang at Buyser sa Plaza Miranda PCP base sa kahilingan ng kanyang kaibigang si Ricky Laurente na pansamantalang ikulong si Lagman dahil sa labis na kalasingan at panggugulo.
Kinabukasan, inireport na nagpakamatay si Lagman sa pamamagitan ng pagsaksak sa kanyang mata ng dulo ng kutsara habang nasa pangangalaga ni Morales.
Si Entico ang hepe ng Plaza Miranda PCP nang mangyari ang sensational na krimen na pinagpistahan ng mga kapatid sa media.
Minsan ko nang nakausap si Entico noong mainit pa ang kaso at halata ko sa kanya ang bigat ng kanyang responsibilidad sa pangyayari. Si Entico ay isinama sa demanda dahil sa command responsability.
Maniwala ka sa akin Bening, wala kaming kinalaman sa pagkamatay ng taong yon, ang mga katagang binitiwan ni Entico sa akin.
Napag-alaman ko rin na bago nagpakamatay si Lagman, ito ay may mga kakatwang ikinikilos at lahat ng taong makaharap niya ay pinagbibintangan niyang papatayin siya. Si Lagman daw ay nagsisisigaw at inuuntog ang sarili sa rehas ng kanyang kulungan.
Ayon kay Entico, ang pagkakasangkot niya sa kaso ay labis na nakaapekto sa kanyang pamilya. Madalas daw tuksuhin ang kanyang mga anak sa eskuwela na ang kanilang ama ay isang killer.
Ngunit hindi nawalan ng pag-asa sa ating hustisya si Entico. Matiyaga niyang kinalap ang mga ebidensiya na magpapatunay na siyay inosente sa mga bintang sa kanya. Sa loob ng anim na taon, nagsakripisyo si Entico ng paroot parito sa Camp Crame upang ipagtanggol ang kanyang sarili.
Noong nakaraang linggo, halos mapasigaw sa tuwa si Entico ng matanggap ang desisyon ng Ombudsman at PLEB na nag-aabsuwelto sa kanya at dalawa sa kanyang tauhang isinangkot sa krimen.
Si Morales na nag-asiste kay Lagman bago ito nagpakamatay ay sinampahan ng kasong homicide ng Ombudsman, samantalang inirekomenda ng PLEB na tanggalin si Morales sa serbisyo ng kapulisan.
Nagpapasalamat ako sa Ombudsman at PLEB sa kanilang naging desisyon. Sa wakas nabura na rin ang masamang record ko, sambit ni Entico nang kapanayamin ko.
Yan ang sinasabi ko mga suki na kahit na anong bintang na masama sa isang tao, lalabas din ang katotohanan. Huwag lamang tayong mawalan ng pag-asa sa Diyos at tiwala sa ating hustisya.
Ang isang beteranong pulis na may magandang record sa serbisyo tulad ni Entico ay hindi kayang wasakin ng ano mang masamang publisidad.