Hayan, napansin na nga. Binalaan na ng British government ang mamamayan nito na huwag bibiyahe sa Pilipinas, lalo na sa Mindanao. Nauna nang nagbabala ang US, Japan at Singapore. Malamang sumunod ang iba pang bansa. Lalong walang turismo sa Mindanao, na magbibigay sana ng hanapbuhay. Lalong iiwas ang investors, na magbibigay sana ng trabaho.
Ano ba itong federalism na kailangan pang ipagtanim ng bomba para matupad? Hangad sa federalism na hatiin ang Pilipinas sa pitong federal states. Walang pinagkaiba sa states ng Malaysia, Germany o US. Bawat isa may sariling mga batas at patakaran na naaayon sa kultura ng state. May sariling Kongreso at pulis. Pero nasa ilalim pa rin ng national government ang defense, BIR, foreign affairs.
Matagal na itong isinusulong ng mga pulitiko mula kina Pelaez, Salapudin at Canoy hanggang kina Joe de Venecia, Nene Pimentel at John Osmeña. Pero hindi sila nagtatanim ng bomba. Nilalayon lang nila ang pag-amiyenda sa Saligang Batas.
Ito namang Indigenous Peoples ek-ek, ipinaglalaban kuno ang mga Muslim, Kristiyano at Lumad sa Mindanao. Pero halata mong may ibang pakay sa pagpapapansin. Nagsimula magtanim ng bomba nung Marso 18. Anibersaryo ng pagtatag sa Moro National Liberation Front. Pero sumanib na sa gobyerno ang dating secessionist group. MNLF leader nga ang governor ngayon ng Autonomous Region for Muslim Mindanao.
Halata tuloy na isang paksiyon ng MNLF ang nagpapanggap ng Indigenous ek-ek. Paksiyon na nakakulong ang lider dahil sa panggugulo bago mag-ARMM elections nung Nobyembre. Salamat sa pahirap nyo.