Pagkaraan ng sampung taon, nakaramdam si Andres ng sakit sa katawan dahil sa bigat ng trabaho. Laging sumasakit ang tiyan niya dahil na rin may panahong hindi siya nakakakain ng pananghalian habang nagtatrabaho. Nagpakunsulta siya sa ospital ng kompanya at napag-alaman ng doktor na siyay may peptic ulcer. Pagkaraang magamot, sinabi ng doktor na siyay ok na. Kaya bumalik na siya sa trabaho. Ngunit ilang buwan lang ay nagkasakit siyang muli. Sa pagsusuri ng doktor, natiyak na siyay may peptic ulcer nga at pinag-retiro na sa gulang na 39.
Nang humiling siya ng kabayaran para sa permanente at lubos na pagkapinsala, hindi pumayag ang kompanya. Ayon sa kompanya, pansamantala at hindi permanente raw ang sakit ni Andres dahil sinabi pa ng doktor na siyay ok na. Bukod dito, hindi raw na-isumite ni Andres ang report na nagpapatunay na siyay may peptic ulcer. Tama ba ang kompanya?
Mali. Kapag nagkasakit ang empleyado sa trabaho, itinuturing ng batas na ang pagkakasakit niya ay sanhi ng trabaho. Dapat patunayan ng kompanya na ang sakit ay hindi konektado sa trabaho. Bukod dito ang diagnosis ng sakit ni Andres ay malinaw. Hindi na kailangan pang hintayin ang resulta ng eksaminasyon sa kanya.
Ang pinsala ni Andres ay permanente at lubos din, di lang pansamantala. Napilitan siyang mag-retiro kahit bata pa dahil nga sa kanyang sakit. At dahil din sa sakit na itoy hindi na siya makapagtatrabaho muli. Dapat lang ibigay sa kanya ang lahat ng kabayaran para sa permanente at lubos na kapinsalaan. (Aribon vs. WCC 139 SCRA 492).