O, hayan at ipinasa na nga ang bill. Bigla bang nagmura nang 30¢-per-kwh? Hindi. Balak pa nga ng Meralco, na pinaka-malaking electricity distributor, na magtaas nang 116 porsiyento. Mahigit doble.
Tama ang hinala natin noon sa Power Reform Act. Hindi dumagsa ang private investors para bilhin ang power plants ng Napocor. Ang nais lang nilang bilhin ay transmission lines, high-voltage cables na nagdadala ng kuryente mula planta papuntang bahay at pabrika. Walang kalugi-lugi. Samantala, ipinasa sa ating taxpayers ang P680-bilyong utang ng Napocor. Pasan-pasan na natin ito.
Tapos, heto pa ang Meralco, dodoblehin ang singil sa atin. Hangad kasi ng Meralco na mahigit doblehin din ang taunang tubo, mula 3.8 porsiyento hanggang 8 porsiyento.
Sa pagtataas ng Meralco, itatago pa ang purchase power agreement (PPA) sa bagong singil, imbes na ihiwalay segun sa Power Reform Act. Halos 65¢ sa bawat P1 na ibinabayad natin sa kuryente ay PPA. Ito ang presyo ng kuryenteng gawa ng Meralco at hindi binibili sa Napocor. Sobra ang taas ng production cost ng Meralco dahil hinihigop ng private owners ang tubo. Kumikita na sa atin ng limpak-limpak, dodoblehin pa para lalong tumubo nang bilyun-bilyon.
Ang masaklap, magtataas ang Meralco samantalang may utos ang Energy Regulatory Board na isoli nito sa atin ang P4 bilyon sobrang singil sa atin nung 1999. Matagal na yon hinaharang ng Meralco sa kung anu-anong legal technicalities.
Mali ang Power Act. Sana nagtayo na lang ng panlaban sa Meralco. Kung may kakompetensiya, may pagpipilian tayo kung saan mura.