Gaya ni Jesus bawat isa sa atin ay may pinapasang krus dahil ang mabuhay sa mundo ay hindi lipos na kaligayahan at kaginhawahan. Sa naging aksyon ni Pilato marami ring mahistrado sa kasalukuyang panahon ang katulad niya. Maraming mga walang-sala ang napaparusahang mabilanggo gayong ang mga tunay na salarin ay nakalalaya. Marami pa ring kaso ang hindi nalulutas at ang ibay nalibing na lang sa limot. Kawawa ang mga biktima ng karahasan. Hindi matahimik ang kanilang mga kaluluwa na sumisigaw ng katarungan.
Madalas ding mangyari na ang pinapaboran ng hukuman ay ang mga mayayaman at makapangyarihan at ang mahihirap ay patuloy na pinagkakaitan ng katarungan. May mga bilanggong nahihirapan sa kulungan samantalang may mga maimpluwensiyang tao na hindi ikinukulong sa madilim at mabahong selda manapay malayang nakagagalaw sa air-conditioned hospital room. Patunay ba ito na hindi pantay-pantay at may kinikilingan ang hustisya dito sa ating bansa?