Inihayag din ng Presidente ang Administrative Order 32 na nagdedeklara ng apat na araw na trabaho para sa mga government employees sa Abril at Mayo upang himukin silang magliwaliw sa magagandang lugar ng Pilipinas at i-patronize ang Tourism industry. Ang panukalang ito ay nanggaling umano kay Tourism Secretary Richard Gordon.
Hindi ko matanggap ang dalawang ideyang ito. Imbes na madagdagan ang kikitain ng mga empleyado e mababawasan. Hindi makabubuti sa mga manggagawa ang nasabing dalawang panukala.
Pambihira naman ang mga opisyal ng ating pamahalaan, imbes na ang isipin ay tumaas ang kikitain ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagdaragdag ng oras ng pagtatrabaho, babawasan pa ito. Nasisiguro kong hindi magrereklamo ang mga manggagawa kahit na mahaba ang oras ng kanilang pagtatrabaho basta karapat-dapat ang ipasusuweldo sa kanila.
Desperado na talaga si Secretary Gordon. Pati ang mga maliliit na mga manggagawa na katiting lamang ang sinasahod ay babawasan ang oras ng pagtatrabaho upang maging turista sa ating bansa. Susmaryosep! Wala na ngang makain, magtuturista pa.