Ang amoy ng bagong bayong pinipig ang nagpaalala sa akin ng kagutuman sa buong mundo. Natatandaan ko ang sinabi ng isang lider "kalahati ng mga tao sa buong mundo ay natutulog na gutom gabi-gabi."
"Hindi ako natatakot Doktor," sagot ni Mang Senting. "At imposibleng may magutom dito sa nayon. Kailangan lang kumayod. Tingnan nyo si Celing. Lumpo ang asawa pero hindi sumasala sa pagkain. Maraming gulay dito at sagana sa isda, palaka at kuhol ang bukid."
Huminto si Mang Senting para makiramdam kung pinaniniwalaan ko ang sinasabi niya. Pero may isang bagay na kulang. "Paano ang bigas? Hindi naman magsasaka si Celing," tanong ko.
"Namumulot si Celing ng mga laglag na uhay," sagot ni Mang Senting.
"Ipaliwanag mo nga."
"Pag naibigkis na ang mga ginapas na palay, anumang natira sa bukid ay maaari nang pulutin ninuman. Bawat uhay na naiwan ay pinupulot ni Celing. Ang isa pang pinanggagalingan ng uhay ay ang nalaglag sa tilyadora. Pag isinubo ang bigkis ng palay sa tilyadora, ang mga butil ay mahuhulog sa ilalim na may saping sako. Kapag ang dayami ay ibinuga, may nakahalo pang uhay. Pinupulot iyon ni Celing. Nakakaisang baldeng palay bawat araw si Celing. Apat na balde ang katumbas ng isang kaban. Aba, buhay na sila Celing kahit walang saka."
Tama nga si Mang Senting wala ngang magugutom sa nayon basta masipag lang.