Marami ang nanibago kay GMA. Dati nga naman ay may katarayan ang dating nito.
Ayon sa mga nasagap kong balita, kinailangang baguhin ang imahen ni GMA mula sa pagiging mataray upang sa ganoon ay makuha nito ang simpatya at suporta ng masa. Ito ang isang naisip na paraan ng mga propagandista ni GMA upang maagaw ang lakas ng masa kay Erap.
Marami pang pagbabago sa mga publicity at propaganda kung papaano makikitungo si GMA sa publiko sa pamamagitan ng media. Ito ang dahilan kung bakit may kaguluhang nagaganap sa pagitan ng mga opisyal at mga tauhan ni GMA na may kinalaman sa press, information at media. Isang masasabing biktima ng kaguluhan ang papaalis na Press Secretary Noel Cabrera.
Marami pa umanong kaguluhan at hindi pagkakaunawaang magaganap kina incoming Press Secretary at Presidential Spokesman Rigoberto Tiglao, Presidential publicist Dante Ang at sa bagong pasok sa eksenang si Dodie Limcaoco. Sabi ng mga miron, ibat iba ang kanilang mga ideya at may kanya-kanyang mga personal na agenda at interes ang mga ito kung kayat hindi maiiwasan ang pagkakagulo. Baka naman kailangan pa ng isang referee para sa mga ito?