Lugi na tayo sa free trade

Rerepasuhin na ng gobyerno ang pagsapi ng Pilipinas sa World Trade Organization, ani Trade and Industry Sec. Mar Roxas. Dapat lang, dahil tila lugi tayo sa malalakas ng kasaping-bansa.

Layon ng WTO na alisin ng mahigit 200 kasaping-bansa ang kani-kanilang import tariffs. Ito’y upang malayang makalabas-pasok ang mga produkto’t serbisyo sa bawat isa. Makadadagdag daw ito ng trabaho. At makapipili ang mamimili ng mura pero mahusay na bilihin.

Pero ano ang sinasapit ng Pilipinas. Ayaw tanggapin ng European Union ang tuna exports natin. Papaboran lang daw nila ang tuna mula sa mga dating kolonya sa Africa at Central America. Aba’y di ba’t dati ring kolonya ng Spain ang Pilipinas? Ano’t na-etsa-puwera tayo, samantalang tuluy-tuloy ang pasok ng kalakal ng Europe sa atin?

Ang Australia naman, ayaw tanggapin ang mangga natin. Marami raw fruit flies. E yun din naman ang mangga na binibili ng Japan sa atin dahil pasado sa health standards nila. Nanlalamang lang ang Australia, habang tuluy-tuloy ang pasok sa atin ng karne’t gatas nila.

Pati dito mismo sa Pilipinas, lugi tayo sa kalakal na galing sa ibang bansa. Dina-dump ng China ang sibuyas at damit sa Pilipinas. Mas mura nga, pero masama sa negosyante, manggagawa at magsasakang Pilipino. Nalulugi na ang kalahating-milyong onion growers sa Luzon. Aani sila nang 168,000 tonelada ngayong taon, labis ng 8,000 tonelada sa 160,000 na taunang kinakain natin. Tapos, pumapasok pa ang sibuyas-Intsik. At isang dosena nang pabrika ng garments at textiles ang nagsara simula nu’ng Setyembre dahil nalugi sa pagbaha ng damit na galing China.

Ganoon din sa sementong galing sa Taiwan. Umaangal di lang ang mga kapitalista kundi pati manggagawa dahil ginagawang bagsakan ng semento ang Pilipinas. Mura nga ang semento, damit o sibuyas, pero libu-libo naman ang nawawalan ng trabaho. Wala ring pambili. (Itutuloy)
* * *
Panoorin: Linawin Natin tuwing Lunes, 11:30 ng gabi, sa IBC-13.

Show comments