"Anong mga sakit sa palagay nyo ang dapat ipadala sa albularyo, Ka Berong?" tanong ko.
"Iyong sakit na dinapuan ng masamang espiritu," sagot ni Ka Berong. "Halimbawa ang tinatawag naming bating lupa. Ito ay mga sakit na bigay ng mga nakatira sa lupa pero ayaw pa ring aminin ng mga doktor. Ito ang dahilan kung bakit may mga sakit na hindi magamot ng mga doktor at sa dakong huli ay napupunta sa mga albularyong tulad ko."
"Ilan na ba ang nagamot mo, Ka Berong?"
"Naku, libu-libo na mula nang naging albularyo ako. Pero mahirap matanto ang eksaktong dami dahil hindi naman ako naglilistang kagaya ninyong mga doktor."
Napahagikgik ako.
"Bibigyan na lang kita ng ideya kung gaano karami, Doktor. Ang dami ng pamilya ay 251. Ayon sa pagkakaalam ko ay tatlo lamang ang hindi pumunta sa akin kaya 248 ang total na pamilya."
"Sino ba iyong tatlong hindi nagpagamot sa inyo?"
"A ang mga iyon ay tatlong pamilyang mataas daw ang pinag-aralan at hindi naniniwala sa akin. Sabagay, kaya naman nila ang gastos kaya okey lang sa akin," sagot ni Ka Berong na may halong tuwa.